Ngayong gabi ay makakatakas si Bakunawa mula sa kanyang kulungan sa lawa. Hindi na nakakatakot ang kanyang mukha at wala na ang tiyan na dambuhala. Ipapakita niya ang kanyang pagbabago na hindi na siya tadtad ng kulugo. Pangungunahan niya ang pag-inom ng lambanog, magpapalaro sa mga kalalakihan sa ilog. Makikiisa sa mga dalagang sumasayaw mananalangin kasabay ang mga madre at prayle. Ipapaguhit niya ang kanyang yapak sa lahat ng kalye at ang lahat ng bata kanyang magiging mga apo. Magpapagawa siya ng mga gripo sa malalayong baryo at magiging kaibigan niya ang mga duktor pati albularyo. Hanggang sa ang kanyang pangalan ay sumikat sa buong rehiyon na kanyang nasasakupan Ngunit hindi alam ng bayang nakalimot na si Bakunawa ay wala pa ring sawa sa paghasik ng lagim: Walang nang yaman ang karagatan, kagubatan kinalbo walang pumapansin sa kultura, gobyerno kinakalburo. At marahang magiging bundat uli si Bakunawa babagsak ang mga pinatayo niyang tulay. A...