Tinunaw ng tatay
ang dinamita sa tubig-dagat
at pinamumog sa mga isda.
Saka itininda namin sa bangketa—
pinausokan ng tambutso
at upang agad na maubos
kinulayan ng pulang dyubos
ang hasang ng galunggong at bangus.
Binabad sa isang dakot na asin
ang ‘di makilalang ayungin
at pinamanhid ng yelo ang kaliskis
ng pira-pirasong dilis.
Maghapong naghintay na may bumili
sa mga isdang nahuli,
ngunit wala ni isa man ang nagkamali
sa mga paninda namin ni Inay.
Umuwi siyang galit sa buhay at sa buong bahay.
Lulutuin niya na lang ang ulam naming bangkulis
nakausli ang mata, tuklap ang kulay pilak na kutis
na kanina’y nakita kong dinumog ng mga bangaw
at ngayo’y nasa bandihadong puno ng sabaw.
0 Comments