Ang Mabisang Komunikasyon / Effective Communication ay isang pangunahing kurso para sa lahat ng mag-aaral ng Baitang 11 na dinisenyo upang linangin ang kanilang kakayahang komunikatibo sa Filipino at sa Ingles na nakabatay sa mga inaasahan ng Antas B2 ng Common European Framework of Reference (CEFR), at sa apat na pangunahing konteksto: personal at interpersonal, sosyal at kultural, akademiko at pampagsasanay, at propesyonal at pantrabaho. Inihahanda ng kurso ang mga mag-aaral na aktibong makilahok sa mga pasalita, pasulat, at multimodal na sitwasyong komunikatibo nang may tiwala sa sarili, kalinawan ng pagpapahayag, at pagiging sensitibo sa kultura ng iba. Binibigyang-diin ng kurso ang estratehikong paggamit ng wika, kaangkupan ng bokabularyo, tono at estruktura, literasing pangmidya at pang-impormasyon, at mga kilos pangkomunikasyong angkop sa mga gawi at halagahang Pilipino. Sa replektibong paggamit ng wika at malayuning pakikipagtalastasan, nalilinang ng mga mag-aaral ang kanilang pagkakakilanlan bilang responsableng mga tagapagpahayag na may kakayahang sumabay at umangkop sa globalisadong mundo.
Gumagamit ng framework na dual-track, magkasabay na itinuturo ng kurso ang Filipino at Ingles sa paraang komplementaryo sa isa’t isa. May kani-kaniya mang gurong nakatalaga sa pagtuturo ng bawat wika sa loob ng 80 oras kada taong panuruan, nagkakaisa naman sila sa hangaring mapaunlad ang kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral. Iniaayon ang pagtuturo sa kalikasan ng bawat wika kaya natitiyak ang lalim ng pagkatuto, katumpakan ng pagtataya, at paglinang sa mga kakayahang naisasalin sa mga mag-aaral. Sa ganitong paraan, napauunlad ng asignatura ang bilingguwal na kakayahang komunikatibo – isang pundasyon sa kahandaang sumabay sa globalisadong mundo at aktibong makilahok sa isang lipunang multilingguwal.
Hindi tulad ng mga modelong pinagsasanib lang ang Filipino at Ingles bilang isang kursong may magkahalong wika, gumagamit ang Mabisang Komunikasyon ng dulog integratibo: pinananatili nito ang kani-kaniyang integridad ng bawat wika habang tinitiyak na nakatuon ang mga bungang nais matamo sa iisang hangarin. Batay ito sa paniniwalang ang pagtuturo ng Filipino at Ingles ay nagtatagpo rin sa mga antas estruktural at konseptuwal, hindi lang sa antas lingguwistiko. Ito ang maghahanda sa mga mag-aaral sa progresibo na estratehiyang komunikatibo gaya ng translanguaging na magagamit nila nang maláy at naaayon sa tiyak na layunin sa mga gawaing pampagtataya at sa mga totoong sitwasyon sa buhay.
Pagdating sa nilalaman, binalangkas ang kurikulum nang papaunlad ayon sa apat na domeyn: nagsisimula ang komunikasyon sa mga kontekstong pamilyar at personal at lumalawig tungo sa mas malalawak, pampubliko, at panghinaharap na mga sitwasyon. Hinihikayat ng bawat markahan ang mga mag-aaral na pag-isipan kung paano tutugon sa mga interaksiyon lalong nagiging komplikado habang nililinang ang mga gawing magpapaisip at magpapalago sa kanila batay sa feedback. Mahalaga ang mga ito upang unti-unting mahasa ang kanilang kasanayang komunikatibo sa paglipas ng panahon. Direkta ring nag-aambag ang kursong Mabisang Komunikasyon sa 21st Century Skills Framework ng Kagawaran ng Edukasyon na nagpapatibay hindi lang sa literasi at kolaborasyon kundi maging sa pagkakaroon ng sensibilidad sa ibang kultura, pagtatamo ng kahusayang dihital, at pagkakaroon ng pananagutang etikal.
Sa pagtatapos ng kurso, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
a. nagagamit nang mabisa ang mga estratehiyang komunikatibo, kasama na ang maláy na pagpili ng gagamiting wika at tono ayon sa konteksto;
b. nakikilahok sa mas malalawak na sitwasyong komunikatibo nang may tiwala sa sarili at tiyak na layunin;
c. nagagamit nang responsable ang iba’t ibang kasangkapan at platapormang dihital upang mapabuti ang pagpapahayag at interaksyon; at
d. napagninilayan ang paglago nila bilang mga tagapagpahayag na gumagamit ng feedback upang mapabuti ang sarili at makapaghanda sa mga pangangailangang komunikatibo sa hinaharap.
Tinutulungan ng kursong ito ang mga mag-aaral, hindi lang upang magtagumpay sa antas akademiko at propesyonal kundi upang magkaroon din ng makabuluhang pakikilahok sa isang malawak at nagbabagong mundo.
Pangungahing Asignatura
Itinalagang Oras: Dalawang (2) oras bawat linggo; kabuoang 80 oras sa loob ng isang taon
Comments