SPEECH
of
His Excellency BENIGNO S. AQUINO III
President of the Philippines
In celebration of National Heroes Day
[August 29, 2010, Libingan ng mga Bayani]
[Please check against delivery]
Magandang umaga.
Hayaan po ninyong aking pangunahan, kasama ng aking pamilya, ang pagdiriwang natin ng Pambansang Araw ng mga Bayani. Taun-taon, ginugunita po natin ang kadakilaan ng lahat ng Pilipinong nag-alay ng pawis, dugo at buhay upang mapasaatin ang kalayaan na tinataglay natin ngayon.
Wala na nga po talagang mas hihigit pang antas ng kagitingan kaysa sa pagbubuwis ng buhay para sa bayan. Hindi matatawaran ang tapang nila Rizal, Bonifacio at ng Gomburza nang kinalaban nila ang mga kastila. Mahirap tapatan ang lakas ng loob ng mga ninuno nating pumalag sa pang-aabuso ng hapon. Sa kabila ng banta sa kanyang buhay, walang takot pong bumalik sa bansa ang aking amang si Ninoy, upang lalong patibayin ang kanyang pagtuligsa sa diktadurya.
Ang araw na ito ay hindi lang po para sa mga nag-alay ng kanilang buhay para sa demokrasya. Iginagalang din natin ang mga tapat na nanungkulan sa ating bandila, kinilala man o hindi ng kasaysayan. Silang mga nanilbihan ng tapat, silang nagpatuloy na nabuhay nang may dangal at kabayanihan para sa kapakanan ng ating bayan.
Sila ang hindi nakontento sa kalagayan ng kanilang bansa, kaya’t iniwan nila ng buong tapang ang ginhawa at tahimik na buhay. Nakibaka sila, sumanib sa mga kilusan at hindi muna inisip ang sarili upang ipaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino.
Sila ang ating ehemplo ng kabayanihan, at kasabay po ng buong-taimtim nating pagtanaw sa kanilang mga sakripisyo, ay ang pagsasabuhay sana natin sa kanilang ipinaglabang mga adhikain.
Karapat-dapat lamang po na mag-alay tayo ng mga dasal at bulaklak, at makilahok sa mga seremonya bilang alay sa kanilang ginawa. Sa ganitong paraan natin ipinapakita na tinatanggap natin ang hamon na ipagpatuloy ang nasimulan ng ating mga ninuno. Naniniwala akong ang dugong dumadaloy sa bawat Pilipino ay dugong bayani. Lahi po tayo ng mga bayani.
Marami pong paraan upang maging bayani ng kasalukuyang panahon. Hindi po kailangan ng baril o sibat. Walang kailangang dugong dumanak. Hindi na tayo sinasakop ng kastila o hapon. Tapos na ang martial law. Ang hinihingi lang ng ating panahon ay ang kapit-bisig na pagtutulungan at ang buong-kusang paglilingkod sa kapwa at sa bayan na walang hinihintay na kapalit. Sa katunayan, sapat nang kabayanihan ang magawa natin ang tungkulin nating maging isang mabuti at responsableng Pilipino.
Ang malungkot po nito, marami pa rin tayong kababayan na walang pagpapahalaga sa kadakilaan ng ating nakaraan. Naniniwala po akong walang ibang kalaban ang marami sa atin, kundi ang kanilang mga sarili. Pinipili po nilang magkulong sa rehas ng kadamutan at pagkakanya-kanya. Nakakadena pa rin sila sa kultura ng pagwawalang-bahala at pagbabatuhan ng sisi. Ito po ang ugat kurapsyon at pagnanakaw; ang pag-uuna sa mga personal na interes sa halip na ang kapakanan ng nakararami. Wala pong duda: Ito po ang pinakamalaking balakid sa tinatahak nating daan tungo sa pagbabago.
Habang tayo ay nagwawalang-kibo, mananatili tayo sa sitwasyong nais nating baguhin, hindi tayo aasenso at lalo lamang mananatiling nakalugmok ang ating mga kababayan sa matinding kahirapan.
Dinadakila natin ang ating mga bayani sapagkat sila ang huwaran ng tunay na pagmamahal at pag-aaruga sa bayan. Kailangan nating balikan ang kanilang mga mabuting ehemplo na magsisilbing patnubay sa ating pagkukusang iahon ang ating bansa sa kanyang pagdurusa.
Gaya nila, ating iwaksi ang mga nakakasagabal sa daan tungo sa magandang kinabukasan. Huwag na tayong magdalawang-isip na tumayo mula sa matagal na pagkakatirik sa kalakarang pumigil sa ating kaunlaran. Maghangad po tayo ng buhay na maunlad, at huwag tayong tumigil hangga’t hindi ito natutupad.
Kaya naman po para sa kinabukasan ng ating mga anak at salinlahi, gusto kong himukin ang lahat na magkusang tumulong sa pagpapalaganap ng tunay na kahulugan ng kabayanihan: ang pagbibigay ng panahon at lakas upang magmasid at magbantay sa ating pamahalaan, ang paglalaan ng oras para maging gabay ng mga naghihirap na kababayan, ang pagpapatibay sa mayamang gunita at kultura ng pagiging Pilipino. Ito ang kabayanihan sa pagbabayanihan.
Araw-araw nating isabuhay ang kagitingan ng ating mga bayani. Wala na sigurong mas hihigit pang paggunita ang mahihiling nila sa paniniguro na inaalagaan at binigyan natin ng halaga ang lahat ng adhikaing ipinaglaban nila. Sa ating pagbibigay-pugay, hayaan nating ang kanilang mga halimbawa ang maging gabay ng ating puso at isip upang ipagpatuloy na ipagtanggol at pangalagaan ang ating kalayaan. Siguruhin nating ang demokrasyang kanilang pinagbuwisan ng buhay ay patuloy nating mapayabong, upang maipasa natin ito sa mga darating na henerasyon na hitik sa bunga.
Magtulungan po tayo: ang lakas ng isa, ay lakas ng lahat. Ngayong nasa panig na po ng mamamayan ang demokrasya, mas lalo pa sana nating mapaigting ang diwa ng kabayanihan sa bawat isa.
Maraming salamat po.
Official Gazatte. (2010, August 29). National Heroes Day Speech of President Aquino. Retrieved on August 29, 2010 from http://www.gov.ph/2010/08/29/national-heroes-day-speech-of-president-aquino-august-29-2010/
0 Comments